truth or falls
Mga tanong ng batang bibo?:
Sabi nila, ang taong huling tumawa ay hindi kaagad naintindihan ang joke. Subalit paano kung hindi naman talaga nakakatawa ang joke na pinagtatawanan ng marami? Mas nakakatawang pagtawanan ang mga bagay na hindi talaga nakakatawa sa pandinig ng mga taong nagpapanggap na naintindihan para masabi lang na kabilang sila sa 10 percent ng populasyon na may above average na IQ.
Sa isang talumpati ukol sa kung paano daw mata-touch ang nation’s conscience, panay panay ang pagtawa ng mga nakararami. Ang iba pa’y tango nang tango sa mga sinasabe ng speaker. Tila isang diyos ang nagsasalita sa harap, na ang bawat binibigkas niya ay gold plated. Bigla akong natawa nang sa hindi sinasadyang pagkakataon ay hindi ko talaga maunawaan ang sinabi ng speaker. Isa siyang Magsaysay awardee mula sa kaharian ng Hindustan (ang dating pangalan ng India). Hindi naman language barrier ang problema sa kanyang talumpati, subalit ang kanyang accent ay pawang parang pinilipit na dila ng loro kung hindi naman ay parang boses ni Matutina na pinabagal at pinalake.
Muli akong natawa hindi dahil sa mga joke niya na pinagtatawan ng marami kundi sa mga salita na hindi ko maintindihan dahil sa kakaibang paraan ng kanyang pagbanggit. Sisihin ba ako at may lahi akong binggi na kapag boses @#$@# ay di kita maiintindihan?
biglang kambyo…
Sa panahon kaya ni Moses ay meron nang konsepto ang tao ng broken family? Isa kasi sa sampung utos ng Diyos ay ang mahalin ang inyong mga magulang. Marami akong kakilala na hindi nila mahal ang kanilang mga magulang (hindi naman ako kabilang duon). Mapupunta kaya sila sa impyerno?
Langit-lupa-impyerno-in-in-impyerno.
Paano magmamahal ang isang anak sa magulang na hindi niya nasilayan mula pa nang pagkabata? Sinong magulang ang mamahalin nang mga batang lansangan na nabubuhay sa pangangalabit at pagpupunas ng mga sapatos sa kahabaan ng España at nang Quezon Ave.?
Sa tuwing may mangangalabit sa akin ang tanong ko kaagad: “asan ba ang nanay mo?” Minsan pinakinggan ko ang aking sarili. Paulit-ulit. Bakit si nanay ang hinahanap ko, eh hindi naman mabubuo ang batang iyon kung wala si tatay.
Nang nasa grade 6 ako, tanong ng Filipino teacher ko, na laging tumatalsik ang laway, malas pa at dahil nga sa mahina ang pandinig ko ay lagi akong nagrerequest na umupo sa harapan, kung bakit daw mas mahal ng mas maraming bata ang kanilang mga nanay kesa sa tatay. May punto naman ang kanyang tanong. Ang hindi ko matanggap ay ang sagot ng aking kaklase na puring-puri ng saliva factory kong guro. Sabe ng kaklase ko, ang mga lalake ( na lalaki din ang ispeling) ay iresponsable sa lahat ng bagay. Aba, hindi ko alam kung saan nahugot ng kaklase ko ang kanyang sagot. Ang titser kong tulo at talsik laway ay manghang-mangha. Hindi na ko sumagot at dahil wala naman akong balak na sabihing mali ang kanyang sagot. Inisip ko na iyon ay kanyang opinyon. Wala namang maling opinyon, iyon ay kung bukas ang isip ng iyong kausap. Kawawa naman si tatay at napagdiskitahan ng mga klase kong puros feminista pala.
Hindi kaya kinawawa ko naman si nanay ng sinabi ko ang: “asan ba ang nanay mo?” Tao lang naman ako na pwedeng magkamali. Kaya ko naman naitanong iyon ay dahil angpangit naman kung sasabihin kong: “asan ba ang nanay at ang tatay mo?” O di kaya, “asan ba ang mga magulang mo?” Masyado lang hahaba ang usapan at baka pati ang isang buwan kong allowance ay maibigay ko na sa batang nangangalabit. Ika nga ng marami kong mga propesor: brevity is beauty; at ang walang kamatayang KISS (keep it short stupid!).
Kapag di ka nagtanong ay nangangahulugan ba itong di mo naintindihan ang sinasabi sa iyo ng kausap? Kelangan ba laging magtanong para masabing kabilang ka sa lipon ng mga taong nakakaintindi?
Naitanong niyo na ba kung bakit sinunog ni Dr. Jose Rizal ang bahay niya sa Dapitan, gayung nasa ilalim nuon ang labi ng kanyang kaisa-isang anak? O di kaya hindi niya talaga anak ang naruon? Sabi nang isa kong propesor, si Josephine Bracken daw ay isang pocahontas sa Hongkong. At sa lahat ng pagkakataon ay may dala-dalang gamot sa isang pangsekswal na sakit ang ating pambansang bayani. Walang panlalapastangan ang mga bagay na ito. Lahat ng mga ito ay pawang mga tanong lang sa akin na gusto ko ring itanong sa iba. Hindi naman sila mga retorikal na katanungan na hindi na nagngangailangan ng sagot.
Ding-dong-ding-dong-napakalakas-na-ugong-kampanang-tumutunog-kampanang-tumutugtog (kantahin ng dalawang ulit).
Bakit nga ba napakaraming pulubi sa Pilipinas? Hindi ba’t meron tayong anti-mendicancy law na nagbabawal sa mga pulubi na maging pakalat-kalat sa daan at mamalimos? Sino ba ang dapat managot sa pagdami nila. Ang lipunan, ang pamahalaan, o ang Diyos, sino?
Tanong ni Gladys, isa kong dakilang propesora: kung sa isang maunlad na komonidad, may sampung nagugutom, sino ang dapat sisihin, ang pamahalaan, o ang sampung Juan tamad? Palakihin natin ang setting, national setting na. Sa kulang kulang 90 milyong populasyon ng Pilipinas na may biente porsyentong nagugutom, sino ang sisisihin, ang mga kapus-palad na mga ito o ang pamahalaang binibida ang pag-unlad ng bayan?
Kristyanong bansa naman tayo, mayaman naman ang Diyos ayon sa Bibliya, bakit hindi na lang tayo manghingi sa Kanya?
Sa katanungang ito, ako muna ay mangungumpisal, hindi ako relihiyoso subalit naniniwala ako kay Big Bro na lumikha ng lahat. Ang aking relihiyon ay ang PAG-IBIG na aking natutunan sa aking mga magulang at sa mga taong nakapaligid sa akin.
Kung mayaman ang Diyos at Siya ang may lalang ng sanlibutan, at ang simbahan ang kanyang tahanan, bakit kelangan ng donasyon? Si Lucio Tan ba ay nanghingi na nang donasyon mula sa kanyang mga empleyado at mga taong naniniwala sa kanyang kayamanan? Para saan ba ang donasyon, sa mga mahihirap? Eh bakit marami pa rin ngang mahihirap na kung iisipin ay napakaraming simbahan sa ating kapuluan. Kung pananampalataya ang bumubuhay sa tao, bakit meron pang mga ospital? Kung ikaw ay may karamdaman, saan ka ba pumupunta? Sino ang may lalang ng placebo effect?
Ilan sa mga tanong na mga ito ay pawang hiram ko lamang, ito ay ilan sa mga tanong na lubos na bumagabag sa akin.
Kung mayaman at mabait nga ang Diyos, bakit sinasabi nang marami na kaya may mga sakuna ay dahil pinarurusahan ng Diyos ang mga tao dahil sa kanilang mga kasalanan. Nangangahulugan ba ito na makasalanan ang mga taga Myanmar, eh ang mga taga-China? Ang ama na mahal ang kanyang anak ay magagawa bang patayin ang kanyang anak dahil sa kanyang pagkakasala? Hindi ba’t pag-ibig ang itinuro ni Hesukristo , at pag-ibig ang nais ng ating Mahal na Ama ang dapat nating ipakalat?
Maraming tanong, at mas maraming sagot ang maipupukol. Sino ba ang tama at sino ang mali. Saan ba matatagpuan ang KATOTOHANAN (TRUTH sa Ingles). Eto ba ang katambal ng False at kongsingkwens?
Nanlalagkit ako sa pawis at di mapakali. Naka ilang ikot na ko sa kama. Parang si Mickey (pangalan ng aso ko), paikot-ikot muna bago humilata sa doormat naming may nakalagay na welcome. Bukas na man ang electric fan, pero di kasi biniyayaan ng snow ang Pinas kaya habang nagyeyelo ang Siberia at nagpapadausdos ang mga polar bears na nasa North pole lang matatagpuan, oo walang nga puting oso sa Antarctica , eto ako at pinagpapawisan…Sabi nga ni Hermy: “ carebears ko, wala ako sa pagka-knowing,” na kung itratranslate ni Janina: “ Kerbers is the one I favorite, knowing them as my childhood heroes are very important in my life!”